Sisimulan na ng Odiongan Water District (OWD) ang pagdevelop ng alternative water source na inaasahang makapagdaragdag ng 20 hanggang 25 liters per second sa kasalukuyang suplay ng tubig sa bayan ng Odiongan bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Super El Niño.
Ito ang isa sa mga pangunahing tinalakay sa pagpupulong nina OWD General Manager Engr. Carlo Formilleza at iba pang personnel ng water district kay Odiongan Mayor Roger Fodra Jr. kamakailan upang pagtugmain ang mga hakbang ng water district at lokal na pamahalaan laban sa inaasahang water shortage.
Sa kasalukuyan, nasa 53 liters per second ang discharge ng existing water facility ng OWD. Bagama't wala pang pinal na projection sa madadagdag na suplay, malaking tulong umano kung makapagbibigay ang planong alternative water source ng karagdagang 20 hanggang 25 liters per second.
Target na matapos ang proyekto bago matapos ang 2026 kaya minamadali na ng water district ang mga paghahanda, kabilang ang installation ng piping system. Kabilang naman sa mga hamong kailangang malutas ang access at mobilization ng mga kagamitan patungo sa project site.
Ayon kay Formilleza, mahalagang maisakatuparan agad ang proyekto dahil nararanasan na rin ng bayan ang pangangailangan sa mas matatag na suplay ng tubig kahit hindi pa nagsisimula ang inaasahang matagal na tagtuyot.
Samantala, naghahanda rin ang lokal na pamahalaan ng mga agarang hakbang upang matugunan ang pangangailangan ng mga lugar na posibleng higit na maapektuhan ng kakulangan sa tubig, partikular ang mga paaralan.
Kabilang sa mga pinag-aaralan ang paglalagay ng Jetmatic pumps at water drums sa mga paaralan upang magkaroon ng nakaimbak na tubig habang may mga panaka-nakang pag-ulan pa. Nakikipag-ugnayan din ang LGU sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa posibleng pagtulong sa water delivery.
Pinag-aaralan din ang pakikipagkasundo sa mga pribadong indibidwal na may sariling water sources at water trucks sa pamamagitan ng memorandum of agreement (MOA), kung saan maaaring sagutin ng lokal na pamahalaan ang fuel at operator upang matiyak ang paghahatid ng tubig sa mga lugar na mangangailangan nito.
Para naman sa pangmatagalang solusyon, pinag-aaralan ng LGU ang pagbili ng drilling equipment at water detector sa susunod na taon upang makatulong sa paghahanap at pagde-develop ng mga bagong water sources sa mga barangay na wala pang maayos na water system.
Kabilang dito ang mga lugar na mayroon nang Jetmatic pumps ngunit nangangailangan pa ng balon at karagdagang pasilidad upang magkaroon ng maayos na access sa tubig.
Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, layunin ng OWD at LGU Odiongan na mapalakas ang kakayahan ng bayan na tugunan ang posibleng kakulangan sa tubig at matiyak ang tuloy-tuloy na paghahatid ng sapat na suplay sa mga residente sa kabila ng inaasahang epekto ng Super El Niño.


























