Isang hinihinalang juvenile King Cobra ang natagpuan sa Sitio Upper Inobahan, Barangay Poblacion, San Jose, Romblon, at itinurn-over sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) nitong Martes, Oktubre 27.
Ayon sa impormasyon mula sa San Jose Public Information Office, natagpuan ni Arnel Bandala ang ahas na hinihinalang isang batang King Cobra. Nakatakda itong dalhin sa opisina ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Odiongan sa susunod na mga araw para sa kaukulang pagsusuri at ligtas na paghawak.
Ito umano ang kauna-unahang dokumentadong pagkakita sa hinihinalang King Cobra sa isla. Gayunman, kailangan pa ang kumpirmasyon mula sa mga kinauukulang awtoridad upang matiyak ang pagkakakilanlan ng ahas.
Pinapayuhan ang publiko na huwag lumapit, humawak, o magtangkang manghuli ng ahas na kahalintulad nito dahil maaaring magdulot ng panganib ang kagat nito.
Sa halip, agad na iulat ang ganitong insidente sa mga opisyal ng barangay, MENRO, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), o Bureau of Fire Protection (BFP) upang matiyak ang ligtas na pagresponde at paghawak sa hayop.


























