Hinimok ni Romblon 2nd District Board Member Bing Solis ang mga residente na makiisa sa census ng Philippine Statistics Authority (PSA) at makipagtulungan sa mga enumerator upang matiyak ang pagkakaroon ng tama at napapanahong datos ng mga sambahayan.
Ginawa ni Solis ang panawagan kasabay ng pamamahagi ng bigas sa ilalim ng programang Lahat Makikinabang sa mga bayan ng San Jose at Santa Fe noong Oktubre 26, 2026, kung saan personal siyang dumalo kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan mula sa una at ikalawang distrito ng Romblon.
Ayon kay Solis, mahalaga ang pakikilahok ng mga mamamayan sa pangangalap ng datos dahil makatutulong ito sa pagtukoy sa mga pamilyang higit na nangangailangan ng tulong mula sa pamahalaan.
Ginamit ang datos mula sa 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) ng PSA bilang isa sa mga batayan sa pagtukoy sa mga benepisyaryo ng pamamahagi ng bigas, partikular ang mga sambahayang kabilang sa pinakamahihirap at may mababang kita.
Samantala, nagpasalamat din si Solis sa pambansang pamahalaan at kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa programa, na aniya ay makatutulong sa mga pamilyang nahihirapang tustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Nagpaabot din siya ng pasasalamat sa Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon sa pangunguna nito sa pamamahagi ng tig-10 kilo ng bigas sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa dalawang bayan.
Binigyang-diin ni Solis ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga mamamayan at pamahalaan upang mapahusay ang pagtukoy sa mga nangangailangan at maihatid ang mga serbisyong nararapat sa kanila.


























