Nagpasalamat si Mayor Ronnie Samson kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pondong natanggap ng bayan ng San Jose sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF) at sa karagdagang ayudang bigas para sa mga pamilyang nangangailangan.
Ito ay kasabay ng pamamahagi ng 1,206 sako ng bigas sa mga benepisyaryo sa bayan noong Lunes, Oktubre 26, na pinangunahan nina Assistant Secretary Rea Uy-Epistola ng Office of the Executive Secretary at Gobernador Trina Firmalo-Fabic.
Ayon kay Samson, nakatanggap ang San Jose ng ₱30 milyon sa ilalim ng LGSF, kung saan ₱23 milyon ang inilaan para sa mga proyektong pang-imprastraktura at ₱7 milyon para sa rice subsidy. Bukod dito, nakatanggap din umano ang Barangay Busay ng ₱3.9 milyon mula sa administrasyon ni Marcos.
“Ang bayan ng San Jose, nagpapasalamat po sa ating mahal na Pangulo sa kanyang kabutihan at hindi niya kami pinabayaan,” ani Samson.
Sinabi rin ng alkalde na malaking tulong sa mga residente ang karagdagang bigas na ipinamahagi ng pamahalaang panlalawigan.
Ayon kay Samson, nakatanggap na ang mga kwalipikadong sambahayan ng 30 kilo ng bigas mula sa programa ng bayan, at madaragadan pa ito ng 30 kilo mula sa pamahalaang panlalawigan.
“Tuwang-tuwa ‘yung mga kababayan ko dahil maliban sa binigay naming 30 kilos bawat household, may karagdagan pa silang 30 kilos mula sa pamahalaang panlalawigan,” ani Samson.
Ang pamamahagi ng bigas sa San Jose ay bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na maihatid ang tulong sa mga pamilyang nangangailangan, kabilang ang mga komunidad sa mga isla ng Romblon.


























