Inaasahang makararanas ng malalakas hanggang gale-force na bugso ng hangin ang Romblon ngayong Miyerkules, October 21, dahil sa pinagsamang epekto ng hanging amihan at Super Typhoon Rosal, ayon sa PAGASA.
Sa Tropical Cyclone Bulletin No. 4 na inilabas alas-5 ng umaga nitong October 21, tinatayang nasa 990 kilometro silangan ng Hilagang Luzon ang sentro ng bagyo, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 215 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 265 kilometro kada oras. Kumikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.
Wala pang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa Romblon batay sa bulletin, ngunit kabilang ang lalawigan sa mga lugar na inaasahang makaranas ng malalakas na bugso ng hangin ngayong araw, lalo na sa mga baybaying lugar at kabundukang lantad sa hangin.
Ayon sa PAGASA, posible pang lumakas ang Rosal sa susunod na anim na oras bago magsimulang humina. Inaasahang pinakamalapit ito sa Extreme Northern Luzon mula Huwebes hanggang Biyernes ng hapon, bago lumabas sa Philippine Area of Responsibility sa Biyernes ng gabi o madaling-araw ng Sabado.


























