Pinalawak ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Romblon Provincial Office ang kaalaman ng mga magulang at estudyante ng San Andres National High School (SANHS) sa paghahanda sa sakuna at responsableng paggamit ng internet sa pamamagitan ng isang information session noong Oktubre 18.
Tinalakay nina Oliver V. Musca Jr., Information Officer I, at Marevic Mulleda, officer-in-charge ng DICT Provincial Office, ang Emergency Preparedness for Disaster Risk Reduction and Management (DRRM), Digital Parenting, at Digital Citizenship.
Ipinaliwanag ni Musca ang kahalagahan ng pagiging mulat sa paggamit ng internet upang mahikayat ang publiko na maging maingat at responsable sa kanilang mga online na gawain.
Layunin ng aktibidad na palakasin ang kahandaan ng mga kalahok sa panahon ng sakuna at itaguyod ang ligtas na paggamit ng digital technology, partikular sa mga kabataan.
Bahagi ang aktibidad ng pagdiriwang ng National Cybersecurity Awareness Month 2026 na may temang “HABI: Salig sa Gawa, Tibay sa Banta.”


























