Tatlong mangingisdang nawalan ng trabaho sa bayan ng Santa Fe, Romblon ang tumanggap ng mga motorized boat na nagkakahalaga ng ₱80,000 bawat isa mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP).
Isinagawa ang pamamahagi ng mga bangka sa Barangay Mat-i, Santa Fe nitong Biyernes, na nagkakahalaga ng kabuuang ₱240,000.
Ayon kay Glory Lee F. Foja, tagapagsalita ng DILP, layunin ng tulong na mabigyan ng panibagong pagkakataon sa paghahanapbuhay ang mga benepisyaryo sa pamamagitan ng pangingisda.
Nagpasalamat naman ang mga benepisyaryo sa ipinagkaloob na mga bangka na inaasahang makatutulong sa kanilang muling pagsisimula ng kabuhayan at pagtugon sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga pamilya.
Bahagi ang naturang tulong ng mga programa ng pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kabilang ang Trabaho Agad Program, na naglalayong magbigay ng mga oportunidad sa kabuhayan sa mga nangangailangan.
Binigyang-diin din ng DOLE ang kahalagahan ng wasto at responsableng paggamit at pangangalaga sa mga bangkang ipinagkaloob. Inatasan ang mga benepisyaryo na itala ang kanilang mga huli at kita upang masubaybayan ang epekto ng tulong sa kanilang kabuhayan.
Ayon pa sa DOLE, maaari ring humiling ang mga benepisyaryo ng karagdagang kagamitang pangisdaan kung maipakikita nilang lumalago ang kanilang kabuhayan at napangangalagaan nila nang maayos ang mga ipinagkaloob na kagamitan.


























