Lumago ng 3.3 percent ang ekonomiya ng lalawigan ng Romblon noong 2025, matapos umabot sa ₱34.14 bilyon ang Gross Domestic Product (GDP) nito mula sa ₱33.05 bilyon noong 2024, batay sa datos na inilabas ngayong October 13 ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa ginanap na Provincial Product Accounts Dissemination Forum sa San Agustin, Romblon.
Ayon sa 2025 Economic Performance of Romblon na inilabas ng PSA noong October 13, 2026, umabot sa ₱110,972 ang per capita GDP ng lalawigan, na tumutukoy sa tinatayang ambag ng bawat indibidwal sa kabuuang produksyon ng ekonomiya.
Pinakamalaking bahagi ng ekonomiya ng Romblon ang sektor ng serbisyo, na bumubuo sa 63.8 porsiyento ng kabuuang GDP. Sinundan ito ng industriya na may 22.5 porsiyento at agrikultura, paggugubat at pangingisda na may 13.8 porsiyento.
Sa mga industriya, pinakamalaki ang ambag ng wholesale at retail trade, kabilang ang pagkukumpuni ng mga sasakyan at motorsiklo, na bumubuo sa 26.8 porsiyento ng GDP. Kabilang din sa limang may pinakamalaking bahagi ang agrikultura, paggugubat at pangingisda na may 13.8 porsiyento, konstruksyon na may 11.9 porsiyento, edukasyon na may 8.8 porsiyento, at manufacturing na may 8.2 porsiyento.
Sa paglago naman kada industriya, pinakamataas ang naitala sa financial and insurance activities na umabot sa 13.3 porsiyento. Sumunod ang edukasyon sa 10.7 porsiyento, public administration at defense kabilang ang compulsory social security sa 8.9 porsiyento, wholesale at retail trade sa 8.3 porsiyento, at professional and business services sa 8.2 porsiyento.
Samantala, bumaba ng 4.8 porsiyento ang agrikultura, paggugubat at pangingisda. Naitala rin ang pagbaba sa construction na 11.9 porsiyento, at electricity, steam, water at waste management na 2.0 porsiyento.
Ang Provincial Product Accounts (PPA) ay mekanismo ng PSA para masukat ang Gross Domestic Product sa antas ng mga lalawigan at iba pang subregional na lugar gamit ang production approach.


























