Inaprubahan ng House of Representatives sa Third and Final Reading ang House Bill No. 11562 o ang “Act Strengthening the Philippine Coast Guard by Introducing Policy and Organizational Reforms,” ayon kay Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus “Budoy” Madrona.
Ayon kay Madrona, matagal na niyang isinusulong ang panukalang batas na naglalayong palakasin ang Philippine Coast Guard (PCG) sa pamamagitan ng mga reporma sa polisiya at organisasyon.
Kasabay ng pag-apruba sa House version, naipasa rin sa Senado ang counterpart measure nitong Senate Bill No. 2116.
Dahil dito, itinalaga ng House of Representatives at Senate ang kani-kanilang mga kinatawan upang bumuo ng Bicameral Conference Committee na tatalakay at maghaharmonisa sa magkakaibang probisyon ng dalawang bersyon ng panukala.
Kabilang si Madrona sa mga miyembro ng Bicameral Conference Committee na magpapatuloy sa pagtalakay sa panukala sa susunod na yugto ng proseso ng paggawa ng batas.
Layunin ng panukala na palakasin ang mandato, kakayahan at kapasidad ng Philippine Coast Guard sa pagtupad sa tungkulin nitong pangalagaan at protektahan ang maritime interests ng bansa.


























