Pormal nang sinimulan ng Local Government Unit (LGU) ng Romblon ang pakikiisa nito sa 18-Day Campaign to End Violence Against Women (VAW) sa pamamagitan ng isang Kick-Off Activity na isinagawa noong Nobyembre 23, kasabay ng regular na flag ceremony sa bayan.
Layunin ng kampanya na palawakin ang kaalaman at kamalayan ng publiko hinggil sa iba't ibang uri ng karahasang nararanasan ng kababaihan, gayundin ang pagsusulong at pangangalaga sa kanilang mga karapatan laban sa pang-aabuso, diskriminasyon, at anumang uri ng karahasan.
Binibigyang-diin din ng kampanya ang kahalagahan ng aktibong pakikilahok ng pamahalaan, mga institusyon, at ng buong komunidad sa paglikha ng isang ligtas na kapaligiran kung saan napoprotektahan ang kababaihan at nabibigyan sila ng pantay na pagtrato at oportunidad.
Sa temang pagkakaisa at sama-samang pagkilos, hinihikayat ang bawat mamamayan na maging bahagi ng pagsusulong ng respeto, proteksyon, at pagkakapantay-pantay, gayundin ang pagtindig laban sa anumang uri ng karahasan sa kababaihan.
Sa pamamagitan ng naturang aktibidad, muling ipinapakita ng lokal na pamahalaan ang suporta nito sa kampanyang naglalayong wakasan ang karahasan laban sa kababaihan at palakasin ang kamalayan ng publiko sa responsibilidad ng bawat isa sa pagtataguyod ng isang ligtas, mapayapa, at inklusibong komunidad.


























