Hinimok ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) MIMAROPA ang publiko sa lalawigan ng Romblon na agad ireport sa pinakamalapit na tanggapan ng ahensya ang mga tumatagas na tubo, umaapaw na tubig, sunog sa kagubatan at iba pang insidenteng may kaugnayan sa El Niño.
Maaring tawagan ang Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) sa Romblon sa mga numerong (042) 567 2188 / (042) 567 2199.
Sa pagsusumite ng ulat, hinihikayat ang publiko na ilagay ang maikling paglalarawan ng insidente, eksaktong lokasyon at contact number. Maaari ring magpadala ng mga larawan kung ligtas itong gawin.
Kasabay nito, pinayuhan ang mga residente na magtipid sa tubig, kumpunihin ang mga tumatagas na gripo at tubo, at mag-imbak ng malinis na tubig sa ligtas na lalagyan.
Nagbabala rin ang ahensya laban sa pagsusunog ng basura at paggamit ng apoy sa paglilinis ng mga lupa, lalo na sa mga lugar na malapit sa kagubatan. Pinapayuhan din ang publiko na huwag magtapon ng upos ng sigarilyo sa mga forest area dahil maaari itong pagmulan ng sunog na mabilis kumalat sa panahon ng tagtuyot.
Binigyang-diin din ang kahalagahan ng pangangalaga sa kagubatan at watershed at agarang pag-uulat ng ilegal na pagsusunog at iba pang banta sa mga likas na yaman.
Pinayuhan naman ang publiko na sundin ang mga abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at mga anunsyo ng lokal na pamahalaan, uminom ng sapat na tubig at iwasan ang matagal na pagbibilad sa araw, partikular sa tanghaling tapat.


























