Boluntaryong sumuko sa Ferrol Municipal Police Station ang isang wanted person noong Nobyembre 20, 2026, matapos malaman na may inilabas na warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng kasong Acts of Lasciviousness.
Batay sa ulat ng pulisya, personal na nagtungo sa himpilan ang indibidwal dakong alas-12:50 ng tanghali sa Barangay Poblacion, Ferrol, Romblon. Kinumpirma sa pamamagitan ng PNP E-Warrant System ang aktibong warrant of arrest laban sa kanya sa ilalim ng Article 336 ng Revised Penal Code.
Inilabas ang nasabing warrant noong Nobyembre 16, 2026 ng Municipal Circuit Trial Court (MCTC) Odiongan–Ferrol, na may inirekomendang piyansang ₱36,000 para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.
Matapos ang pagsuko, pansamantalang inilagay sa kustodiya ng Ferrol MPS ang indibidwal bago ito tuluyang itinurn-over sa korte na nag-isyu ng warrant para sa kaukulang disposisyon.
Pinuri naman ni Romblon Police Provincial Office Director PCOL Rexton Sawi ang mga tauhan ng pulisya sa kanilang propesyonalismo at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagsunod sa mga proseso ng batas.
Ayon kay Sawi, ang boluntaryong pagsuko ng mga taong may kinakaharap na kaso ay nagpapakita ng paggalang sa batas at nakatutulong sa maayos na pagpapatupad ng hustisya.























