Tumanggap ng pagkilala ang Isiah Hospital and Medical Center bilang Exemplary Employer sa ilalim ng Luzon South 2 Division ng Social Security System (SSS) Luzon Operations Group sa ginanap na Araw ng Pagkilala OG Regional Excellence Award 2026 nitong November 24 sa Lipa City, Batangas.
Ayon kay Isiah Hospital CEO Diven Fos Dimaala, mahalaga sa kanilang pamunuan na matiyak na nakarehistro at may sapat na social security protection ang kanilang mga empleyado, kabilang ang benepisyong maaari nilang matanggap sa pagreretiro.
Pinasalamatan ni Dimaala ang SSS Luzon South 2 Division sa pagkilalang ipinagkaloob sa kanilang institusyon.
“Ang nais lang natin ay masiguro na lahat ng ating empleyado ay may seguridad at may tatanggapin kapag sila ay nagretiro sa serbisyo,” ani Dimaala.
Ang pagkilalang ito ay ibinigay sa mga employer bilang bahagi ng programa ng SSS na kumikilala sa kanilang mga kontribusyon at pagsunod sa mga obligasyon sa social security protection ng kanilang mga manggagawa.


























