Naramdaman sa ilang bahagi ng Romblon ang magnitude 5.1 na lindol na tumama sa Antique nitong Miyerkules ng umaga, Nobyembre 25, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Batay sa earthquake information bulletin ng PHIVOLCS, naganap ang tectonic earthquake alas-7:29 ng umaga, na may lalim na 10 kilometro. Naitala ang epicenter nito sa layong 14 kilometro timog-silangan ng Valderrama, Antique.
Naitala ng PHIVOLCS ang Instrumental Intensity II sa Odiongan, Romblon. Ang instrumental intensity ay batay sa mga datos mula sa mga seismic instrument na sumusukat sa pagyanig.
Samantala, iniulat din ng mga reporter ng Romblon News Network na naramdaman ang lindol sa mga bayan ng Ferrol, Looc at Alcantara.
Naitala rin ang Instrumental Intensity V sa Valderrama, Antique; Intensity IV sa Culasi, Antique, Buenavista at Jordan sa Guimaras, Passi City sa Iloilo, at Bago City sa Negros Occidental.
Ayon sa PHIVOLCS, posible ang aftershocks kasunod ng lindol.


























