Tatlong iskolar ng Romblon News Network (RNN) ang nakapasa sa November 2026 Agricultural and Biosystems Engineers Licensure Examination (ABELE), matapos makatanggap ng tulong-pinansyal para sa kanilang board exam review sa ilalim ng programang Together We Thrive.
Ang mga bagong Engineers na ito ay sina Engr. John Lloyd Galicia Manalo ng Progreso Este, Odiongan; Engr. Sophia Allison Francisco Rodeo ng Camandag, Looc; at Engr. Rosselle Silverio Divino ng Agojo, Looc, pawang mula sa lalawigan ng Romblon.
Nagpaabot ng pagbati si RNN founder Paul Jaysent Fos sa tatlong bagong lisensiyadong Agricultural and Biosystems Engineers, at kinilala ang kanilang pagsisikap at dedikasyon upang makamit ang tagumpay sa pagsusulit.
Umaasa rin si Fos na magsisilbing inspirasyon ang kanilang tagumpay sa iba pang kabataang Romblomanon na nangangarap makapagtapos ng pag-aaral at magkaroon ng propesyon.
Noong Abril 2026, nakipagpartner ang RNN sa Romblon State University (RSU) sa ilalim ng Together We Thrive program upang magbigay ng tig-₱15,000 financial assistance sa tatlong ABE graduates para sa kanilang review center fees at review materials.
Bahagi ang programa ng patuloy na pagsisikap ng RNN na suportahan ang edukasyon at makatulong sa mga kabataang Romblomanon na maabot ang kanilang mga propesyonal na pangarap.


























