Kasalukuyang isinasagawa sa bayan ng Cajidiocan ang Third and Fourth Tranche Manual Payout ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kung saan 562 benepisyaryo ang nakatakdang tumanggap ng kanilang pinansyal na tulong.
Layunin ng naturang payout na matiyak na maipararating ang financial assistance sa mga kwalipikadong benepisyaryo na hindi nakatanggap ng kanilang ayuda sa pamamagitan ng digital payment dahil wala silang rehistrado o beripikadong Financial Service Provider (FSP).
Sa pamamagitan ng manual payout, mabibigyan ng pagkakataon ang mga naturang benepisyaryo na personal na matanggap ang tulong pinansyal na nakalaan para sa kanila sa ilalim ng programa.
Saklaw din ng isinasagawang payout ang mga benepisyaryong nakatanggap na ng assistance noong First Tranche, gayundin ang mga hindi nakapag-claim ng kanilang ayuda noong Second Tranche dahil sa hindi pagdalo sa itinakdang payout ngunit nananatiling kwalipikado upang makatanggap ng tulong.
Bahagi ito ng pagpapatuloy ng DSWD sa pamamahagi ng tulong pinansyal sa ilalim ng UPLIFT Program, na nakatuon sa pagsuporta sa mga kwalipikadong benepisyaryo mula sa mga sektor na nangangailangan ng tulong pangkabuhayan at pinansyal.


























