Nanawagan si Cajidiocan Mayor Marvin Ramos sa pamahalaan na higit na pagtuunan ng pansin at puhunan ang turismo sa Sibuyan Island sa halip na pagmimina.
Ayon kay Ramos, napakalaki ng potensyal ng Sibuyan bilang pangunahing destinasyong panturismo sa Romblon, dahil sa dami at uri ng mga atraksyon na matatagpuan dito.
Kabilang sa mga binanggit ng alkalde ang Mt. Guiting-Guiting para sa mga mahilig sa climbing, Cresta de Gallo para sa sandbar, Cantingas at Agbalit Rivers para sa mga naghahanap ng mga ilog, at iba't ibang talon gaya ng Dagubdob, Kweba at Cawa-Cawa Falls.
Aniya, kapansin-pansin na patuloy na dinarayo ng mga turista ang Sibuyan sa kabila ng hirap ng paglalakbay patungo sa isla, bagay na nagpapakita umano ng malakas na potensyal nito bilang tourism destination.
“Sa hirap ng biyahe, dagsa pa rin ang gusto pumunta,” ani Ramos.
Naniniwala ang alkalde na mas lalo pang lalago ang turismo sa Sibuyan kung bibigyang-prayoridad ng pamahalaan ang pagpapabuti ng transportasyon, mga kalsada at accommodation, gayundin ang mas malawak na promosyon ng mga destinasyon sa isla.
“Kung mas matutukan pa ng gobyerno ang pag-improve sana ng transportation, kalsada at mga accommodation, sa larangan ng Turismo malaki ang maiaambag ng Sibuyan,” pahayag niya.
Para kay Ramos, natatangi ang Sibuyan dahil halos kumpleto ang uri ng mga atraksyong maaaring ialok nito sa mga turista—mula sa kabundukan at ilog hanggang sa mga talon, sandbar at iba pang likas na tanawin. Naniniwala rin si Ramos na hindi lamang Sibuyan ang makikinabang kung mas mapapalakas ang turismo sa isla kundi ang buong lalawigan ng Romblon.
“Kung susugal sana ang Gobyerno sa Sibuyan, sana sa Turismo na lang, hindi sa Mina.”
Aminado si Ramos na hindi niya batid kung maaaring pagsabayin ang pagmimina at turismo, ngunit sa kanyang pananaw, tila hindi nagtutugma ang dalawang direksyon.
“Napaka-ganda ng Sibuyan! Sana balang araw mas lalo pa itong mapaganda at maabot nito ang kanyang potential,” dagdag niya.
























