Isinagawa nitong September 10, 2026 sa Looc National High School ang isang pagsasanay sa paggamit ng iPad sa pagtuturo sa mga estudyante, na nilahukan ng mga piling guro mula sa iba't ibang paaralan sa Tablas Island bilang bahagi ng pagsusulong ng paggamit ng makabagong teknolohiya sa edukasyon.
Pinangunahan ng Apple Foundation, ang hands-on training na naglalayong ipakilala sa mga guro ang iba't ibang paraan ng paggamit ng iPad upang gawing mas creative, interactive at engaging ang kanilang mga pamamaraan sa pagtuturo.
Bahagi ang aktibidad ng isang inisyatibong nagmula sa pagpupulong na inorganisa ng tanggapan ni Congressman Budoy Madrona noong March 2026. Kaugnay nito, ipinadala ng tanggapan ng kongresista ang 60 iPads na ginagamit ng mga guro sa naturang training.
Katuwang sa programa ang Department of Education (DepEd) Division of Romblon, sa pangunguna ni Schools Division Superintendent Roger Capa, na patuloy na sumusuporta sa mga inisyatibong naglalayong mapalakas ang paggamit ng teknolohiya sa pagtuturo.
Matatandaang nauna ring nabigyan ng computer tablets mula sa tanggapan ni Congressman Madrona ang mga key officials, Education Program Supervisors (EPS) at Public Schools District Supervisors (PSDS) upang makatulong sa kanilang monitoring, coordination, communication at iba pang gawain para sa mga paaralan.
Sa pamamagitan ng iPad training, layunin ng mga katuwang na organisasyon at institusyon na mapalawak ang digital skills ng mga guro at magamit ang teknolohiya bilang karagdagang kasangkapan sa paghahatid ng mas makabuluhan at makabagong edukasyon sa mga mag-aaral ng Romblon.



































Discussion about this post