Hinikayat ng Department of Trade and Industry (DTI) Romblon ang mga mamimili na suriin ang mga certification marks ng mga produktong kanilang binibili at agad lumapit sa kanilang tanggapan kung may makikitang posibleng paglabag sa mandatory product standards.
Sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon, sinabi ni DTI Romblon Provincial Director Orville Mallorca na maraming produkto, maliban sa food products, ang saklaw ng mandatory standards at kinakailangang dumaan sa kaukulang certification bago maibenta sa merkado.
Kabilang dito ang mga electrical products, na ayon kay Mallorca ay halos lahat ay saklaw ng mandatory certification.
Aniya, dapat hanapin ng mga mamimili ang logo o markang nagpapatunay na ang produkto ay nakapasa sa itinakdang pamantayan para sa kalidad at kaligtasan.
Para naman sa mga imported na produkto, sinabi ni Mallorca na dapat ding suriin kung mayroon itong kaukulang Import Commodity Clearance mark. Saklaw din ng mga certification requirement ang ilang construction materials.
“Kung sakaling makabili man na may duda kayo, maaari ninyong ibalik sa mga nabilhan ninyo. Kung hindi tinanggap, maaari kayong lumapit sa amin dahil kami mismo ang tutulong sa inyo,” ani Mallorca.
Hinikayat din ng DTI Romblon ang publiko na huwag mag-atubiling magsumbong o maghain ng reklamo kung may nabiling produktong pinaghihinalaang may paglabag sa mga umiiral na pamantayan upang mabigyan ito ng kaukulang aksyon.



































Discussion about this post