Umabot sa 113 micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa buong Romblon ang nabigyan ng kabuuang ₱12 milyong pautang ngayong taon sa pamamagitan ng Small Business Corporation (SB Corp.), ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) Romblon.
Sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon, sinabi ni DTI Romblon Provincial Director Orville Mallorca na patuloy na lumalawak ang presensya ng SB Corp. sa lalawigan upang mabigyan ng pagkakataon ang mas maraming MSMEs na makakuha ng puhunan para sa pagpapalago ng kanilang negosyo.
Ang SB Corp., na isang attached agency ng DTI, ay nagbibigay ng suporta sa mga MSMEs na nais palaguin at palawakin ang kanilang mga enterprise.
Bukod dito, sinabi ni Mallorca na mayroon ding mga financing programs at special windows para sa MSMEs mula sa iba pang government financial institutions, kabilang ang Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines.
“Kung puhunan ang problema ng isang MSME, marami tayong special window sa mga government agencies natin,” ani Mallorca.
Binigyang-diin naman ng DTI Romblon provincial director na mahalaga rin ang patuloy na pagkatuto at pagkakaroon ng interes sa pagnenegosyo upang maging matagumpay ang isang enterprise.
Ayon kay Mallorca, hindi lamang sapat ang pagkakaroon ng puhunan kundi kailangan ding taglay ng isang MSME owner ang passion na matuto at paunlarin ang kanyang negosyo.
Sa pamamagitan ng mga pautang, programa at iba pang suportang inilalapit ng pamahalaan, mas maraming MSMEs sa Romblon ang nagkakaroon ng pagkakataong mapalago ang kanilang negosyo at makapag-ambag sa lokal na ekonomiya.



































Discussion about this post