Pinaigting ng Romblon Police Provincial Office (RPPO) at Department of Education (DepEd) ang kanilang pagtutulungan para sa mas ligtas at protektadong learning environment para sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng Project SAFE (Safe and Aligned Forces for Education).
Isinagawa ang Joint Advocacy Campaign on School Safety, Security, and Learner Protection noong Agosto 11 sa DepEd Schools Division Office sa Barangay Capaclan, Romblon, Romblon.
Dinaluhan ito ng mga school head at designated guidance counselor mula sa iba’t ibang paaralan sa lalawigan upang palakasin ang koordinasyon ng mga ahensya at iba pang stakeholders sa pagsusulong ng kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.
Naging resource speakers mula sa RPPO sina PCPT Andrea Marie M. Andres, Provincial Legal Officer, na tumalakay sa mga legal framework at responsibilidad sa pagprotekta sa mga mag-aaral, at PLT Jennifer F. Maduro, Provincial Women and Children Protection Desk Officer, na nagbigay-diin sa child protection mechanisms, violence prevention at papel ng mga paaralan sa pangangalaga sa karapatan ng mga bata.
Ayon kay PCOL Rexton F. Sawi, Provincial Director ng RPPO, mahalaga ang pagtutulungan ng mga paaralan, pulisya at iba pang stakeholders upang matiyak na ligtas ang mga mag-aaral mula sa anumang uri ng pang-aabuso at karahasan.
“The safety and protection of our learners is a shared responsibility,” ani Sawi.
Binigyang-diin din ng aktibidad ang kahalagahan ng proactive education, awareness at inter-agency cooperation upang mapanatili ang mga paaralang ligtas, inclusive at child-friendly.
Patuloy namang isinusulong ng RPPO ang mga school safety initiatives at pakikipagtulungan sa mga institusyong pang-edukasyon bilang bahagi ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”



































Discussion about this post