Pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) ang mga pampublikong guro na panatilihin ang propesyonalismo at pagsunod sa ethical standards sa paggawa ng online content.
Ayon kay Presidential Communications Office at Palace Press Officer Claire Castro, nakatanggap ang DepEd ng mga ulat hinggil sa ilang pampublikong guro na ginagamit ang kanilang propesyon sa paggawa ng online content.
Batay sa ulat ng DepEd, may ilang content na gumagamit o naglalarawan sa mga mag-aaral sa paraang maaaring lumabag sa ethical standards at umiiral na mga polisiya ng kagawaran.
Hinimok ng DepEd ang mga guro na iwasan ang ganitong gawain at panatilihin ang propesyonalismo sa kanilang trabaho, sa loob man o labas ng paaralan.
“Ang mga guro ay nagsisilbing ikalawang magulang ng mga kabataan at ang paaralan ay nagsisilbing kanilang pangalawang tahanan,” ani Castro.
Pinaalalahanan din ang mga guro na panindigan ang kanilang sinumpaang tungkulin at patuloy na magsilbing mabuting huwaran sa kanilang mga mag-aaral.
Ayon kay Castro, mahalaga ang papel ng mga guro sa paghubog ng mga pagpapahalaga ng mga kabataan, na unang natututunan sa tahanan at higit pang napauunlad sa paaralan.



































Discussion about this post