Mas bumilis ang inflation rate sa Romblon noong Hulyo 2026 matapos umakyat sa 4.6 porsiyento, mula sa 4.0 porsiyento noong Hunyo, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) Romblon.
Batay sa datos ng PSA, pangunahing nag-ambag sa pagtaas ng inflation ang Food and Non-Alcoholic Beverages, na nagtala ng inflation rate na 4.1 porsiyento at may 70.6 porsiyentong share sa pagtaas ng inflation sa lalawigan.
Kabilang sa mga produktong nakapagtala ng mas mataas na inflation ang bigas na 11.4 porsiyento, isda na 5.7 porsiyento, at iba pang seafood na 9.4 porsiyento.
Ikalawa sa pinakamalaking nag-ambag sa pagtaas ng inflation ang Housing, Water, Electricity, Gas and Other Fuels, na may inflation rate na 5.0 porsiyento at 16.5 porsiyentong share sa trend. Kabilang dito ang LPG na nagtala ng 14.7 porsiyentong inflation.
Samantala, nakapagtala ng 0.4 porsiyentong inflation ang Personal Care and Miscellaneous Goods and Services, na may 4.5 porsiyentong share sa pagtaas ng inflation.
Sa MIMAROPA, umabot sa 5.3 porsiyento ang inflation rate noong Hulyo. Mas mababa naman ang naitala sa Romblon kumpara sa Marinduque na 5.7 porsiyento, Oriental Mindoro na 7.4 porsiyento at Palawan na 5.0 porsiyento. Mas mataas naman ang Romblon kaysa Occidental Mindoro na 3.6 porsiyento at Puerto Princesa City na 3.2 porsiyento.
Ang pagbilis ng inflation ay nangangahulugang mas mabilis ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyong karaniwang binibili ng mga mamimili kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.



































Discussion about this post