Pormal nang itinurn-over ng Romblon Police Provincial Office (PPO) ang ilang Revitalized Pulis sa Barangay (R-PSB) Quick Impact Projects sa Barangay Victoria, San Andres bilang bahagi ng patuloy na paghahatid ng mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan sa mga komunidad.
Kabilang sa mga ipinagkaloob ang kiosk at toilet facilities sa Pader Falls, 22 household toilet facilities para sa mga benepisyaryong pamilya, at isang water tank na inaasahang makatutulong sa pagpapabuti ng suplay ng tubig sa komunidad.
Dinaluhan ang turnover ceremony nina Romblon Representative Eleandro Jesus “Budoy” Madrona, Police Regional Office (PRO) MIMAROPA Regional Director PBGen Christopher Dela Cruz, mga opisyal ng Romblon PPO, lokal na pamahalaan, at iba pang partner agencies.
Ayon kay PBGen Dela Cruz, ang mga proyektong ito ay bunga ng pagtutulungan ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan at ng komunidad sa ilalim ng whole-of-government approach.
“Napakagandang pagkakataon ito para makita natin kung ano ang nagiging resulta kapag nagtutulong-tulong ang mga ahensya ng gobyerno. Ito ang resulta ng whole-of-government approach,” ani Dela Cruz.
Samantala, nagpahayag naman ng kasiyahan si Congressman Madrona sa patuloy na pagpapatupad ng mga proyektong nagbibigay ng direktang benepisyo sa mga mamamayan. Aniya, mahalagang maipagpatuloy ang mga programang nagpapabuti sa kalagayan ng mga komunidad sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng mga ahensya ng pamahalaan at ng mga residente.
Ang mga proyekto ay isinagawa sa ilalim ng Revitalized Pulis sa Barangay (R-PSB), isang programa ng Philippine National Police (PNP) na sumusuporta sa layunin ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa pamamagitan ng paghahatid ng mga pangunahing serbisyo, pagpapatupad ng mga proyektong pangkaunlaran, at pagpapalakas ng ugnayan ng pamahalaan at komunidad upang maisulong ang pangmatagalang kapayapaan at pag-unlad sa mga barangay.
Kasabay ng turnover ng mga proyektong ito, ipinagkaloob din ng Romblon PPO ang dalawang bagong bahay para sa dalawang pamilyang nangangailangan sa Barangay Victoria bilang bahagi rin ng R-PSB Quick Impact Projects.



































Discussion about this post