Iginiit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang South China Sea, kabilang ang West Philippine Sea, ay hindi dapat maging lugar ng alitan kundi manatiling “dagat ng kapayapaan, kooperasyon, at konektibidad.”
Sa isang diplomatic reception na ginanap bilang paggunita sa ika-10 anibersaryo ng 2016 Arbitral Award na pumabor sa Pilipinas, nanawagan ang Pangulo sa mga pamahalaan, diplomat, at mamamayan na patuloy na itaguyod ang rule of law bilang pundasyon ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
“The South China Sea must never be an arena of conflict. It must remain a sea of peace, cooperation and connectivity,” ani Marcos.
Binigyang-diin ng Pangulo na ang pangmatagalang kapayapaan ay nakabatay sa katarungan, paggalang sa soberanya ng bawat bansa, at pagsunod sa pandaigdigang batas.
Aniya, ang desisyon ng Pilipinas na idaan sa international arbitration ang sigalot sa West Philippine Sea noong 2013 ay nagpapakita ng pagpili ng bansa sa diyalogo, batas, at mapayapang resolusyon sa halip na pananakot o paggamit ng puwersa.
Sinabi rin ni Marcos na ang 2016 Arbitral Award ay hindi lamang mahalaga sa usaping legal at maritime claims, kundi may direktang epekto rin sa kabuhayan ng mga Pilipino, lalo na ng mga mangingisdang umaasa sa yamang-dagat ng West Philippine Sea.
Muling tiniyak ng Pangulo ang paninindigan ng Pilipinas sa United Nations Charter at United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) habang patuloy na nakikipag-ugnayan sa ibang bansa upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon. (Ruth Abbey Gita-Carlos)



































Discussion about this post