Maglalaan ang National Meat Inspection Service (NMIS) ng ₱8 milyong pondo para sa pagtatayo ng kauna-unahang “AA” slaughterhouse sa Sibuyan Island matapos lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang ahensya at ang Pamahalaang Bayan ng Cajidiocan.
Ayon kay Cajidiocan Mayor Marvin Ramos, isinagawa ang MOA signing kasama si NMIS Executive Director Fernando Lontoc at iba pang opisyal ng ahensya. Naglaan naman ang lokal na pamahalaan ng halos ₱9 milyon bilang counterpart fund para sa proyekto.
Kapag nakamit ang accreditation bilang AA slaughterhouse, maaari nang makapagbenta at makapagpadala ng karne ang Cajidiocan sa iba pang mga lalawigan at bayan, alinsunod sa mga pamantayan ng NMIS.
Sinabi ni Ramos na makatutulong ang pasilidad upang matiyak ang kaligtasan at kalinisan ng mga karneng ibinebenta sa merkado, mapanatili ang tamang kalidad at presyo ng karne, at mapalakas ang industriya ng paghahayupan sa bayan.
Inaasahan ding magsisilbing pangunahing pasilidad sa pagkatay ng mga hayop ang slaughterhouse para sa mga karatig-bayan sa Sibuyan, kabilang ang San Fernando.
Kasabay nito, inanunsyo rin ng alkalde na sisimulan ngayong taon ang rehabilitasyon ng pampublikong pamilihan ng Cajidiocan. Kapag natapos ang proyekto, ipagbabawal na ang pagtitinda ng karne at isda sa mga gilid ng kalsada upang maisaayos ang kalakalan at mapabuti ang kalinisan ng pamilihan.
Ayon kay Ramos, ang pagtatayo ng AA slaughterhouse at ang modernisasyon ng palengke ay bahagi ng mga hakbang ng lokal na pamahalaan upang palakasin ang ekonomiya ng Cajidiocan at mapabuti ang sistema ng suplay at kaligtasan ng pagkain sa bayan.



































Discussion about this post