Nilinaw ng Romblon State University (RSU) San Andres Campus na ang admission screening process nito ay isinasagawa nang patas, pare-pareho, at walang diskriminasyon sa lahat ng aplikante.
Ayon sa unibersidad, kabilang sa mga sinusuri sa admission process ang physical fitness para sa laboratory at practicum requirements, financial readiness, at communication skills, at ang mga pamantayang ito ay pare-parehong ipinapatupad sa lahat ng aplikante.
Dagdag pa ng RSU, ang mga desisyon sa admission ay nakabatay lamang sa dokumentadong resulta ng screening at evaluation process at hindi naaapektuhan ng anumang salik na wala sa itinakdang requirements ng programa.
Hinimok din ng pamunuan ng unibersidad ang aplikante o kinatawan nito na magsumite ng pormal na reklamo sa tamang tanggapan ng RSU upang maimbestigahan at masuri nang maayos ang usapin.
Samantala, maghahain ng opisyal na apela ang isang netizen matapos niyang sabihin na hindi pinayagang makapagpatuloy sa kursong Bachelor of Science in Hospitality Management ang kanyang pamangkin sa RSU San Andres Campus dahil umano sa pagkakaroon nito ng vitiligo.
Sa isang Facebook post nitong Martes, sinabi ni Jay Mangoba na ipinaalam umano sa kanyang pamangkin na hindi ito kuwalipikado sa naturang programa dahil sa kondisyon nito sa balat.
Iginiit ni Mangoba na ang vitiligo ay hindi nakahahawa at isa lamang kondisyon na nakaaapekto sa pigmentation ng balat.
“No student should be discouraged from pursuing their dreams because of a medical condition that does not prevent them from learning or performing the responsibilities of their chosen course,” ani Mangoba.
Sinabi naman ni Mangoba na magsusumite siya ng opisyal na apela kaugnay ng insidente.



































Discussion about this post