Halos 2,000 residente ng Romblon ang nakapagproseso ng passport application at renewal sa isinagawang Passport on Wheels (POW) program ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Governor's Extension Office sa Barangay Rizal, Odiongan.
Batay sa paunang datos ng DFA MIMAROPA, libo-libong Romblomanon ang nakinabang sa programa na nagbigay ng pagkakataon sa mga residente na makapagproseso ng kanilang pasaporte nang hindi na kailangang bumiyahe palabas ng lalawigan.
Ayon sa DFA, huling nagsagawa ng Passport on Wheels sa Romblon noong 2023 kaya't marami ang naghintay sa muling pagbabalik ng serbisyo sa lalawigan.
Sinabi ni Victorio Falqueza Jr. ng Simara Island na naging mas madali para sa mga residente ng isla ang pagkuha ng pasaporte sa pamamagitan ng programa. Kumuha rin siya ng pasaporte para sa kanyang anak na plano niyang dalhin sa Singapore bilang bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan nito.
Ayon kay Falqueza, nakatipid sila sa gastos at oras dahil hindi na nila kailangang bumiyahe sa ibang lalawigan upang magproseso ng pasaporte. Pinuri rin niya ang serbisyo ng mga tauhan ng DFA at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon sa maayos na pagsasagawa ng aktibidad.
Samantala, sinabi ni Christine Zamboanga ng bayan ng Romblon na nakatulong ang programa lalo na sa mga residenteng nagmumula sa iba't ibang isla ng lalawigan.
Aniya, natapos ang kanyang aplikasyon sa loob ng wala pang 20 minuto at naging maayos ang proseso. Dagdag pa niya, tinulungan pa rin siya ng mga tauhan ng DFA kahit dumating siya nang lampas sa kanyang itinakdang appointment dahil sa limitasyon sa biyahe.
Nagpasalamat din si Miguel Salvador ng Santa Maria sa pagkakaloob ng serbisyo sa lalawigan dahil hindi na kinakailangang bumiyahe sa ibang probinsya para lamang makapagproseso ng pasaporte.
Ayon sa DFA, layunin ng Passport on Wheels program na gawing mas abot-kamay ang mga serbisyo sa pasaporte, lalo na para sa mga residente ng mga lugar na malayo sa regular na passport processing centers.
Isinagawa ang aktibidad sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon bilang bahagi ng pagsisikap na mailapit ang mga serbisyo ng pamahalaan sa mga komunidad.



































Discussion about this post