Nagbabala ang lokal na pamahalaan ng Odiongan laban sa mga meat vendor na bumibili ng buhay na baboy sa presyong mas mababa sa itinakdang farm gate price sa ilalim ng umiiral na ordinansa sa bayan.
Sa panayam nitong Lunes, sinabi ni Mayor Roger Fodra Jr. na papadalhan ng notice of violation ang mga vendor na napatunayang lumabag sa ordinansa noong nakalipas na buwan.
“Lalagyan talaga natin ng ngipin yang ordinansa kasi, so far, almost lahat ata ng namimili ng baboy ay may violations. Kaya sabi ko nga, hindi natin puwedeng payagan na may impunity sila, dapat masawata yan,” pahayag ni Fodra.
Ayon sa alkalde, tungkulin ng lokal na pamahalaan na protektahan ang mga hog raisers, organisado man o hindi, upang hindi tuluyang maapektuhan ang industriya ng baboy sa bayan.
“Baka mamatay ‘yung ating hog industry pag magpapatuloy ito [-ng mga paglabag],” dagdag pa ng alkalde.
Ngayong linggo, inaasahang ipapatawag ng alkalde ang lahat ng stall owners sa Odiongan Public Market upang muling ipaalala ang mga probisyon ng ordinansa at bigyan ng babala ang mga may paglabag.
Batay sa datos na nakalap ng news team, 37 sa 48 meat vendors ang inaasahang papadalhan ng notice of violation mula sa Business Permit and Licensing Office dahil sa paglabag. Samantala, ang mga mapatutunayang lalabag matapos ang pagpupulong ng Committee on Agriculture ng Sangguniang Bayan noong January 28 ay papatawan ng kaukulang multa, at maaari ring maharap sa kanselasyon ng kanilang mga lisensya.
“Ayaw nating may matatanggalan ng lisensya pero kung maapektuhan ang iba dahil sa hindi pagsunod sa batas, ay ibang usapan na rin yun,” pahayag pa ng alkalde.
Ipapatawag din ng alkalde ang mga barangay officials upang tumulong sa Bantay Presyo Task Force na magbabantay sa bentahan ng baboy at masiguro ang patas na presyo para sa mga hog raisers na ilang buwan nang umaangal.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Odiongan Vice Mayor Michael Arevalo na dapat sundin ng lahat ang pasadong ordinansa ng Sangguniang Bayan dahil ito umano ay pinag-aralan at ginawa para protektahan ang mga nasa laylayan.
Samantala, hinamon din ng alkalde at bise alkalde ang mga hog raisers na huwag matakot magsumbong sa lokal na pamahalaan o sa barangay upang agad maaksyunan ang mga ganitong problema.

































Discussion about this post