Permanenteng dadaong na sa Cajidiocan Port ang barko ng Starlite Ferries na bumibiyahe sa rutang Batangas–Romblon–Sibuyan–Capiz at pabalik, simula February 1.
Ito ang kinumpirma ni Cajidiocan Mayor Marvin Ramos matapos ipaalam ng Starlite Ferries ang bagong iskedyul ng kanilang pagdaong sa Cajidiocan Port. Batay sa impormasyong ibinahagi ng alkalde, dadaong ang barko sa Cajidiocan Port tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes, habang sa natitirang mga araw ay sa Ambulong Port sa Magdiwang naman ito hihinto.
Araw-araw na naglalayag ang mga barko ng Starlite Ferries patungong Sibuyan Island.
Matatandaang nitong Enero ay pansamantalang inilipat sa Cajidiocan Port ang pagdaong ng mga barko ng Starlite Ferries matapos maging mapanganib ang kondisyon ng dagat sa Ambulong Port dahil sa malalakas na alon.
Ang desisyong gawing permanente ang pagdaong sa Cajidiocan Port nang tatlong beses kada linggo ay resulta ng kahilingan ng mga lokal na pamahalaan ng Cajidiocan at San Fernando, upang mas mapalapit ang biyahe ng barko sa kanilang mga bayan at maging mas maginhawa ang biyahe ng mga pasahero at kargamento.
Inaasahang makatutulong ang bagong iskedyul sa pagpapalakas ng transportasyon, kalakalan, at turismo sa isla ng Sibuyan.


































