Sugatan ang mag-asawang sakay ng isang motorsiklo matapos masangkot sa aksidente sa kahabaan ng national road sa Barangay Batiano, Odiongan, Romblon nitong tanghali ng Enero 21.
Batay sa ulat ng pulisya, paliko umano patungong Sitio Sampaguita ang isang e-bike na minamaneho ng isang Australian national nang mabangga ito ng motorsiklong sinasakyan ng mag-asawang residente ng Barangay Bachawan, San Agustin, Romblon.
Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya na habang lumiliko ang e-bike ay hindi ito agad napansin ng driver ng motorsiklo, dahilan upang masalpok nito ang likurang bahagi ng e-bike.
Dahil sa lakas ng banggaan, tumilapon sa kalsada ang mag-asawa at nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan. Agad silang isinugod ng rumespondeng ambulansiya sa Romblon Provincial Hospital upang malapatan ng lunas.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station upang matukoy ang pananagutan ng mga sangkot sa insidente.


































