Kinansela ng ilang shipping companies ang kanilang mga biyahe patungo at palabas ng lalawigan ng Romblon ngayong Sabado bunsod ng patuloy na masamang panahon na dulot ng Bagyong Ada.
Ayon sa Montenegro Shipping Lines, kanselado ang biyahe ng kanilang barko mula Batangas patungong Odiongan at ang galing Odiongan patungong Batangas na nakatakda sanang umalis alas-5 ng hapon.
Kanselado rin ang biyahe ng Starhorse Shipping Lines patungong Romblon Islands na nakatakda alas-4 ng hapon.
Kinansela na rin ang biyahe ng mga barko patungong Lucena mula San Agustin, Romblon ngayong araw dahil parin sa masamang panahon.
Samantala, batay sa Coast Guard Station–Romblon, hindi na pinahihintulutang maglayag ang lahat ng uri ng sasakyang pandagat patungo at mula sa Sibuyan Island mula kaninang alas-11 ng umaga dahil sa nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal #1. Dahil dito, suspendido rin ang mga biyahe ng Starhorse Shipping Lines mula Lucena at ng Starlite Ferries mula Roxas City, Capiz patungo sa nasabing isla.
Pinaalalahan ng Pamahalaang Panlalawigan ang publko, lalo na ang mga biyahero at mangingisda, na patuloy na magmonitor ng mga abiso mula sa shipping lines at sa Philippine Coast Guard, at iwasan muna ang paglalayag habang masama ang lagay ng panahon.


































