Ilang residente ng Odiongan, Romblon ang tumanggap ng iba’t ibang kagamitan mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) bilang bahagi ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) na nakalaan para sa mga magulang ng mga batang na-profile bilang child laborers.
Ang pamamahagi ng tulong ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ng pamahalaan na wakasan ang child labor sa pamamagitan ng pagbibigay ng alternatibong kabuhayan sa mga pamilya, upang hindi na mapilitang magtrabaho ang mga bata at sa halip ay makapagpokus sa kanilang pag-aaral at pag-unlad.
Kabilang sa mga ipinamahaging tulong ang mga kagamitang pansaka, pang-negosyong street food, kagamitan para sa carpentry services, at iba pang starter kits na maaaring magsilbing kabuhayan ng mga benepisyaryo.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni OIC Mayor at Konsehal Chow Chua ang kahalagahan ng mga programang pangkabuhayan sa pagtulong sa mga magulang upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya at masuportahan ang edukasyon at kapakanan ng kanilang mga anak.
Sinabi naman ni DOLE Romblon chief Karen Bugarin na ang programa ay hindi lamang tulong-pinansyal kundi isang hakbang patungo sa mas maayos, marangal, at pangmatagalang kabuhayan para sa kanilang pamilya.
Ayon sa DOLE, inaasahang makatutulong ang DILP upang magkaroon ng sapat na kita ang mga magulang at tuluyang maiwasan ang paglahok ng mga bata sa mapanganib at hindi angkop na uri ng trabaho.


































