Inanunsyo ng Starlite Ferries na pansamantalang sa Cajidiocan Port muna daraong ang kanilang mga barko sa Sibuyan Island sa halip na sa Ambulong Port, bunsod ng patuloy na nararanasang malalakas na alon sa naturang pantalan.
Ayon sa abisong ipinaskil ng shipping company sa Batangas Port, hindi naging posible ang pagdaong ng kanilang mga barko sa Ambulong Port dahilan upang makansela ang mga biyahe papunta at palabas ng isla mula pa noong unang araw ng Enero.
Dahil sa pansamantalang paglilipat ng daungan, pinayuhan ang mga pasahero na asahan ang pagbabago o adjustment sa oras ng mga biyahe.
Ang desisyong ito ay kasunod ng pagpupulong na isinagawa kamakailan ng mga alkalde ng Cajidiocan, Magdiwang at San Fernando kasama ang mga kinatawan ng Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Ports Authority (PPA), at mga shipping lines na bumibiyahe sa Sibuyan Island.
Sa naturang pulong, tinalakay ang patuloy na problemang kinakaharap ng Ambulong Port, partikular ang pagiging delikado nito sa panahon ng malalakas na alon.
Ayon kay Cajidiocan Mayor Greggy Ramos, tinatayang mahigit 1,000 pasahero pa ang kasalukuyang stranded sa Sibuyan Island, na marami sa kanila ay kinakailangang makabalik na sa kanilang mga trabaho at paaralan.
Patuloy naman ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan at mga kaukulang ahensya upang maibsan ang epekto ng sitwasyon sa mga pasahero at matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero habang hindi pa naaayos ang kondisyon ng Ambulong Port.


































