Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Lunes ang PhP6.793 trilyong pambansang badyet para sa Taong Piskal 2026, na nagpapanatili ng momentum sa reporma sa edukasyon, pangangalagang pangkalusugan, seguridad sa pagkain, panlipunang seguridad, at paglikha ng trabaho.
Sa ginanap na seremonya ng paglagda sa Malacañan Palace, tiniyak ni Pangulong Marcos sa publiko na ang 2026 General Appropriations Act (GAA) ay nakaayon sa plano ng pamahalaan para sa medium- at pangmatagalang kaunlaran at nakatuon sa pagpapabuti ng buhay ng mga Pilipino.
“With the signing of Republic Act No. 12314 or the General Appropriations Act for Fiscal Year 2026, we are committing to implement a budget that serves the people,” sinabi ni Pangulong Marcos.
“The 2026 National Budget shall sustain our momentum in education reform, in health protection, in food security, in social security, and in job creation,” dagdag ng Pangulo.
Alinsunod sa Konstitusyon, nakatanggap ang sektor ng edukasyon ng pinakamataas na prayoridad sa badyet, na may pinakamalaking alokasyon na higit sa PhP1.34 trilyon.
Ito ay gagamitin para pondohan ang karagdagang teaching at non-teaching plantilla positions sa mga pampublikong paaralan, promosyon at reclassification ng mga guro, at konstruksyon ng mga silid-aralan sa buong bansa.
Ang sektor ng kalusugan naman ay pinaglaanan ng PhP448.125 bilyon upang suportahan ang pagpapatupad ng Universal Health Care (UHC), kabilang ang PhP1 bilyong pondo para sa Zero Balance Billing (ZBB) Program sa mga ospital ng lokal na pamahalaan na sumasaklaw sa in-patient services sa basic accommodation.
Mayroon ding pondo para sa disease surveillance, mekanismo para sa mabilis na pagtugon, at sustainable pagpopondo sa kalusugan.
Ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), ang ahensiya ng pamahalaan para sa social health insurance, ay nakatanggap ng halos PhP130 bilyon, kabilang ang PhP60 bilyong ipinag-utos na ibalik alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema.
“These funds shall support preventive healthcare and the improvement of PhilHealth benefit packages, lowering the out-of-pocket expenses of Filipino families,” sabi ng Pangulo.
Samantala, ang sektor ng agrikultura ay pinaglaanan ng mahigit PhP297 bilyon para sa modernisasyon ng mga supply system at suporta sa mga magsasaka at mangingisda.
Kabilang dito ang pagtatayo ng mga farm-to-market roads na mag-uugnay sa mga komunidad ng magsasaka sa mga sentrong pang-ekonomiya, magbabawas ng gastos sa transportasyon, at magpapaliit ng post-harvest losses.
Bibigyang-lakas din ng pamahalaan ang sistemang panlipunang proteksiyon sa pamamagitan ng paglalaan ng mahigit PhP270 bilyon na gagamitin upang mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino, pangalagaan ang kapakanan ng lahat ng sektor, at paunlarin ang human capital development.
Sa pamamagitan ng mga flagship programs na ito, sinabi ng Pangulo na layon ng badyet na itulak ang bansa tungo sa pagkamit ng single-digit poverty rate pagsapit ng 2028.
Upang itaguyod ang kapakanan ng mga tagapagtanggol at tagapamayapa ng bansa, sinusuportahan din ng GAA ang pagpapatupad ng updated base pay schedule at ang pagtaas ng subsistence allowance ng mga kawani ng militar at uniformed personnel.
Kinilala ni Pangulong Marcos na sa pag-apruba ng 2026 GAA, ang 2025 GAA ay itinuring na reenacted at nanatiling may bisa at epektibo hanggang Enero 4, 2026.
Inatasan ng Pangulo ang Department of Budget and Management (DBM) na isaalang-alang ang mga gastusing legal na naisagawa sa ilalim ng reenacted budget sa pagbabalangkas ng mga patnubay sa paglalabas ng pondo para sa Fiscal Year 2026.
Nagpahayag din ng pasasalamat ang Punong Ehekutibo sa Kongreso para sa prinsipyadong paggamit ng kapangyarihan nito sa badyet at sa mga makabuluhang repormang ipinatupad upang mapalawak ang partisipasyon at mapalakas ang pananagutan sa buong proseso ng awtorisasyon ng badyet. | PND


































