Nagpaalala ang Bureau of Fire Protection (BFP) Odiongan sa publiko na iwasan ang paggamit ng mga ipinagbabawal na paputok at tiyaking ligtas ang mga ginagamit na pampailaw ngayong holiday season upang maiwasan ang sunog at aksidente.
Ito ang binigyang-diin ni Fire Inspector Joey Selorio ng Odiongan Fire Station sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon kamakailan, kung saan tinalakay niya ang mga paghahanda ng ahensya ngayong panahon ng Kapaskuhan at Bagong Taon.
Ayon kay Selorio, inaasahang tataas ang insidente ng sunog at aksidente tuwing holidays dahil sa paputok at maling paggamit ng mga electrical decorations.
Hinikayat din ni Selorio ang publiko na kung maaari ay umiwas na lamang sa paggamit ng paputok at gumamit ng mga alternatibong pampaingay upang maging ligtas ang pagdiriwang.
Kasabay nito, iniulat ni Selorio na umabot na sa pitong insidente ng sunog ang naitala sa bayan ng Odiongan ngayong taon. Kabilang sa mga ito ang tatlong sunog na nagmula sa mga sasakyan, partikular sa isang motorsiklo, isang pickup truck, at isang e-bike.
Nagbigay rin ng paalala ang opisyal hinggil sa paggamit ng mga Christmas lights.
Aniya, mahalagang gumamit lamang ng rehistrado at hindi pekeng mga pampailaw upang maiwasan ang short circuit at sunog. Pinayuhan niya ang mga mamimili na tiyaking may International Certification Commission (ICC) sticker ang mga bibilhing Christmas lights bilang patunay na ligtas at pasado ito sa pamantayan.
Patuloy namang nakahanda ang BFP Odiongan sa pagresponde sa anumang insidente ngayong holiday season, habang hinihikayat ang publiko na maging responsable at mapagmatyag para sa isang ligtas at masayang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.


































