Matapos pamunuan ang College of St. Benilde sa pag-angkin ng kampeonato sa NCAA Season 101 at tanghaling Finals MVP, target naman ngayon ni National Master at Arena International Master Jasper Faeldonia, 21 taong gulang at tubong Odiongan, Romblon, ang makapasok sa Philippine National Chess Team.
Isasagawa ang susunod na hamon ni Faeldonia sa kanyang paglahok sa PSC–NCFP Selection National Chess Championships Semifinals Men and Women Tournament na gaganapin mula December 17 hanggang 21, 2025 sa Philippine Academy for Chess Excellence (PACE) sa Quezon City. Ang torneo ay magsisilbing bahagi ng proseso ng pagpili ng mga manlalaro para sa pambansang koponan.
Ang men’s category ng kompetisyon ay lalahukan ng mga National Master at FIDE Master titled players na may 2100 FIDE rating pataas, habang ang women’s category naman ay bukas sa mga manlalarong may 1751 FIDE rating, kabilang ang mga WFM at WNM titled players.
Kabilang sa mga opisyal na inilabas na kalahok ng PSC–NCFP sina Adante Ibaryu, NM Istraelito Rilloraza, NM Jonathan Jota, NM Vince Angelo Medina, Samson Chiu Chin Lim III, NM Mar Aviel Carredo, FM Jeth Romy Morado, NM Cedric Kahlel Abris, NM Gladimir Chester Romero, NM Franklin Lloyd Andes, Ervil Villa, Ricky Echala, ACM Joemel Narzabal, AFM Calvin Jade Francisco, at iba pang mga kilalang manlalaro sa bansa.
Gagamit ang torneo ng 9-round Swiss system format na may oras na 90 minutes kada manlalaro na may 30-second increment bawat galaw. Layunin ni Faeldonia na makapasok sa top six ng standings upang mag-qualify sa pre-finals at magkaroon ng pagkakataong umabot sa National Finals.
Sa kabila ng mga lokal at pambansang torneo na kanyang nilahukan, patuloy na kinakatawan ni Jasper Faeldonia ang lalawigan ng Romblon, dala ang hangaring maipakita ang kakayahan ng mga manlalarong nagmula sa probinsya sa mas mataas na antas ng kompetisyon.




































Discussion about this post