Humigit-kumulang 300 residente mula sa iba’t ibang sektor ang nakiisa sa isang prayer rally laban sa korapsyon na isinagawa sa Odiongan Children’s Park and Paradise nitong Linggo, Setyembre 21.
Pinangunahan ng iba’t ibang simbahan ang pagtitipon na dinaluhan ng mga kasapi ng simbahan, kabataan, kawani ng gobyerno, at mga kasapi ng Anahao-Canduyong-Tubigon Farmers Association.
Bitbit ng mga kalahok ang kanilang mga placard na may panawagan ng pagtigil sa korapsyon, paggising ng kamalayan ng mga Pilipino, at pakikipaglaban sa mga tiwaling opisyal.
Sa kabila ng malakas na ulan, nag-alay ng panalangin ang mga residente para sa bansa at sa mga namumuno, kabilang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Nagsindi rin sila ng kandila bilang simbolo ng kanilang pagkakaisa laban sa katiwalian at pang-aabuso ng kapangyarihan.
Tiniyak ng Romblon Police Provincial Office, katuwang ang Bureau of Fire Protection (BFP) ang seguridad sa lugar. Iniulat ng kapulisan na mapayapang nagtapos ang naturang pagtitipon.


































