Mariing pinabulaanan ni Romblon Congressman Eleandro “Budoy” Madrona ang umano’y pagkakasangkot niya sa kontrobersiyang ibinulgar ng mag-asawang Discaya sa Senate Blue Ribbon Committee.
Sa isang pahayag, sinabi ni Madrona na walang batayan ang akusasyon at iginiit na wala siyang proyekto na direktang ibinigay sa naturang kontratista.
“I strongly deny the statement of Discaya. To my recollection, wala akong project sa kanya, so anong basehan ng sinabi niyang pag bigay niya sa akin?” ayon kay Madrona.
“I hear he bidded on projects sa aming budget sa Romblon pero I have no hand and knowledge on how he pays those involved,” paliwanag pa ni Madrona.
Batay sa naunang pagsasaliksik ng Romblon News Network sa PCMA website ng DPWH, lumilitaw na may mga proyekto ang kompanya ni Discaya sa lalawigan, partikular na ang ilang bahagi ng itinayong bypass road sa bayan ng Odiongan na nagkakahalaga ng mahigit ₱238 milyon. Mayroon din silang kontrata para sa konstruksyon ng mga kalsada sa Carabao Island at Tablas Island.
Nilinaw naman ni Madrona na ang lahat ng proyektong ito ay dumaan sa tamang bidding at hindi niya personal na pinili ang mga kontratista.
Nauna nang nagpahayag si Madrona sa programang Yan Tayo ng DZMM Teleradyo na handa siyang magbitiw bilang kongresista kung mapapatunayang mayroong “ghost projects” o pekeng bidding sa mga flood control projects sa Romblon.
Discussion about this post