Ipinahiwatig ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na posibleng magsagawa ng “cleansing” sa loob ng kagawaran upang tanggalin ang mga tiwaling opisyal at kawani, kasabay ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa umano’y maanomaliyang flood control projects.
Ayon kay Bonoan, tinitingnan na ang mga opisyal ng kagawaran at district engineers na umano’y sangkot sa inferior at ghost projects. Posible aniya silang masampahan ng kaukulang kaso at patawan ng parusa bilang babala na hindi papayagan ng DPWH na maulit ang ganitong uri ng iregularidad.
Sa isinasagawang audit ng ahensya, lumitaw na ang ilan sa mga pinatutukoy na ghost projects ay nasa Bulacan, partikular sa ilalim ng Engineering District 1 ng lalawigan.
Samantala, nanindigan si Bonoan na aantayin niya ang magiging desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung kinakailangan niyang mag-leave habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Matatandaan na ilang mambabatas, kabilang si Senador Sherwin Gatchalian, ang nanawagang magbitiw si Bonoan bilang pagpapakita ng delicadeza sa gitna ng isyu na kinahaharap ng DPWH.


































