Sugatan ang tatlong sakay ng isang 10-wheeler truck na tumagilid sa kahabaan ng national road sa Barangay Progreso Este, Odiongan, Romblon, pasado alas-9 ng umaga nitong August 1.
Kinilala ng pulisya ang drayber na si Darwin Catajay, at ang dalawang pahinante na sina Omar Riva at Abraham Rabalo, pawang residente ng San Agustin, Romblon.
Batay sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, binabaybay ng truck ang kalsada mula Barangay Rizal patungong bayan ng Looc nang mawalan umano ng preno sa bahagi ng Barangay Progreso Este, sa tapat ng bahay ng pamilya Teologo. Ayon sa mga awtoridad, minabuti ng drayber na ikabig ang manibela sa gilid ng kalsada upang makaiwas sa mga kasalubong na sasakyan. Ngunit dahil sa bigat ng kargamento, nawalan ng balanse ang trak at tumagilid.
Dahil sa aksidente, nagtamo ng malubhang pinsala sa paa si Catajay, habang ang dalawang pahinante ay nasugatan sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Kinailangang pang pagtulungan ng rescue team ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) upang maalis si Catajay mula sa loob ng sasakyan.
Agad silang dinala ng responders sa Romblon Provincial Hospital para sa karampatang medikal na atensyon.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.


































