Inilunsad ng Romblon Police Provincial Office ang “Sagip Neneng” at “Project Agbay,” dalawang programa na layong palakasin ang proteksyon at suporta para sa mga kabataan sa buong lalawigan.
Ang “Sagip Neneng” ay isang flagship child protection initiative na unang isinakatuparan ng Concepcion Municipal Police Station sa Sibale Island, na ngayon ay ipinatutupad na sa buong lalawigan sa pangunguna ni Provincial Director Col. Rexton F. Sawi.
Layunin ng programa na matugunan ang mga kaso ng pang-aabuso, pagsasamantala, at mga delikadong gawi ng mga menor de edad, partikular na ng mga batang babae sa mga liblib at underserved na lugar.
Ayon sa pulisya, ito ay bunga ng aktwal na mga insidente kung saan ang mga menor de edad ay nalalagay sa panganib dahil sa hindi maayos na paggabay sa paggamit ng mobile phones at social media.
Kabilang sa mga serbisyong inaalok ng “Sagip Neneng” ay legal aid, referral sa social services, at pagbibigay ng kaalaman sa mga komunidad para maprotektahan ang mga kabataan mula sa anumang uri ng pang-aabuso.
Kasabay nito, inilunsad din ang “Project Agbay” ng San Fernando Municipal Police Station. Ang “Agbay”—na nangangahulugang “gabay” o “akbay”—ay programa para bigyang edukasyonal na tulong at mentorship ang mga batang lalaki mula sa indigent families na nais makapagpatuloy sa kolehiyo.
Ayon sa mga opisyal, layunin ng Project Agbay na hindi lang basta magbigay ng tulong pinansyal kundi maghatid din ng gabay para makamit ng mga kabataang ito ang kanilang pangarap sa buhay.
Dumalo sa paglulunsad ng dalawang programa ang mga kinatawan mula sa Department of Education (DepEd), Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), mga opisyal ng barangay, at iba pang stakeholders.
“These programs represent more than just police work—they are our promise to protect dreams, provide hope, and build a safer and more compassionate future for our children,” pahayag ni Sawi sa isang press release.
Hinikayat din ni Sawi ang iba pang police stations at local government units na suportahan at kopyahin ang mga programang ito para mapalawak ang proteksyon at oportunidad ng mga kabataan sa buong probinsya.


































