Isa nang institusyonal na programa ang pamamahagi ng libreng school supplies sa lahat ng mag-aaral sa bayan ng Odiongan matapos itong maisabatas bilang isang ordinansa ng Sangguniang Bayan nitong Lunes, Hunyo 9.
Ang ordinansang pinamagatang “An Ordinance Granting School Supplies to the Students and Learners in the Municipality of Odiongan, and Providing Funds Therefore and for Other Purposes” ay naglalayong gawing permanente at tuluy-tuloy ang programa, anuman ang maging pagbabago sa lokal na administrasyon.
Sa nakalipas na dalawang taon, ipinatupad na ito gamit ang pondo mula sa opisina ni Mayor Trina Firmalo-Fabic. Ngayong taon, nasa 10,500 na mag-aaral mula Kinder hanggang Grade 12 ang makatatanggap ng libreng notebooks, pad paper, lapis, ballpen, eraser, gunting, at crayons.
Ang ordinansa ay inakda ni SB Kaila Yap, at co-authors sina SB Kit Firmalo at SB Ricmel Falqueza.
Batay sa ordinansa, kasama sa mga makakatanggap ng school supplies ang mga estudyante ng primary hanggang secondary education sa lahat ng pribado at pampublikong paaralan sa bayan.
Ang pag-institutionalize ng programa ay hakbang upang matiyak na mananatiling prayoridad ang edukasyon sa Odiongan, at patuloy na masuportahan ang mga estudyante at kanilang pamilya taon-taon.


































