Nagtamo ng sugat sa kamay ang isang lalaki sa Barangay Agojo, Looc, Romblon matapos itong mataga ng nakaalitan niya sa isang bilyaran sa lugar.
Nangyari ang insidente nitong gabi ng Sabado kung saan kinasangkutan ng biktimang si Junlie Marcelo, 40, at ang suspek na kinilalang si Richard Tiaga, 45.
Ayon sa ulat mula sa Looc Municipal Police Station, ang biktima kasama ng kanyang mga pinsan ay naglalaro ng billiards nang biglang dumating ang suspek ay kinuha ang mga bola na nasa billiard table ng biktima. Nagulat ang biktima at inutusan ang suspek na isauli ang mga bola dahil ginagamit pa nila.
Dahil dito ay nagkaroon ng pagtatalo ang biktima at ang suspek hanggang sa umuwi ang suspek sa kanilang bahay at kumuha di umano ng isang bolo.
Pagbalik ng suspek sa bilyaran ay walang anu-ano ay bigla nalang di umanong tinaga ang biktima sa kamay.
Naawat naman ang suspek ng mga kamag-anak nito at ng mga kapitbahay na nasa lugar nang mangyari ang insidente.
Dinala sa Romblon Provincial Hospital ang biktima habang ang suspek naman ay naaresto ng mga rumespondeng pulis ng Looc Municipal Police Station.
Inihahanda na ang kasong frustrated murder na isasama sa suspek sa Provincial Prosecutor’s Office.


































