Pansamantalang ipinagbawal ang pagdaan ng mga sasakyang may apat o higit pang gulong sa isang bahagi ng kalsada sa Barangay Balatucan sa bayan ng Looc dahil sa pagguho ng daan at panganib na tuluyan itong bumigay.
Ayon sa Provincial Engineering Office, wala nang sapat na lupa sa ilalim ng sementadong bahagi ng kalsada kaya hindi na ligtas na daanan ito ng mga jeepney, truck at iba pang sasakyang may apat na gulong.
Tanging mga motorsiklo at traysikel lamang ang pinapayagang dumaan sa nasabing bahagi habang nananatili ang pagsasara.
Bilang alternatibong ruta, maaaring dumaan ang mga motorista sa Buenavista–Ferrol Road o sa kabilang ruta na dumaraan sa Limon.
Samantala, magtatayo ang Provincial Engineering Office ng pansamantalang detour sa bahagi ng lupa upang magkaroon ng alternatibong daanan ang mga sasakyan. Isasagawa ito kapag dumating na ang mga kinakailangang culvert at nakakuha na ng kaukulang permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Pinapayuhan ang mga motorista at biyahero na sundin ang mga nakatalagang babala, mag-ingat at huwag piliting dumaan sa saradong bahagi ng kalsada upang maiwasan ang aksidente.


























