Sinimulan na ang pagpapatayo ng bagong multipurpose building sa Cajidiocan National High School (CNHS) kasunod ng isinagawang groundbreaking ceremony ngayong araw, na naglalayong madagdagan ang pasilidad ng paaralan para sa iba’t ibang gawaing pang-edukasyon.
Pinangunahan ni Cajidiocan Municipal Mayor Greggy Ramos ang seremonya kasama si CNHS Principal Roselita F. Repizo, mga guro ng paaralan, Cajidiocan-Magdiwang District Supervisor Dr. Genevieve Rafol, Municipal Engineer Christopher Rizo at Engineer Arnold Tulio.
Bago ang seremonya, pinangunahan ni Fr. John Paul Esplana ang pagbabasbas sa lugar na pagtatayuan ng gusali at nag-alay ng panalangin para sa ligtas at maayos na pagsasakatuparan ng proyekto.
Inaasahang magsisilbing karagdagang espasyo ang multipurpose building para sa mga programa, pagtitipon at iba pang aktibidad ng paaralan na nangangailangan ng mas angkop na pasilidad.
Bahagi ang proyekto ng pagsisikap na mapabuti ang mga pasilidad pang-edukasyon sa Cajidiocan at masuportahan ang pangangailangan ng mga mag-aaral, guro at iba pang miyembro ng komunidad ng paaralan.

























