Dalawang construction worker ang nasugatan matapos pagsasaksakin ng isang lalaki kasunod ng pagtatalo sa Barangay Capaclan, Romblon, Romblon, dakong alas-6:30 kagabi, August 29.
Ang mga biktima ay 26 at 48 taong gulang, kapwa residente ng nasabing barangay. Agad silang dinala sa Romblon District Hospital para sa kaukulang atensiyong medikal at kasalukuyang sumasailalim sa gamutan.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nag-iinuman umano ang dalawang biktima kasama ang 38-anyos na suspek, isang walang trabaho at residente rin ng Barangay Capaclan, nang mauwi sa mainitang pagtatalo ang kanilang pag-uusap.
Nauwi umano sa suntukan ang pagtatalo ngunit agad itong napayapa ng kanilang kasama.
Gayunman, nagtungo umano ang suspek sa kanyang bahay, kumuha ng fan knife o balisong, at bumalik sa lugar kung saan muling inatake ang dalawang biktima at sinaksak sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Agad namang nagsagawa ng manhunt operation ang mga tauhan ng Romblon Municipal Police Station, na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek. Narekober din ng mga awtoridad ang bladed weapon na umano'y ginamit sa insidente.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.


































Discussion about this post