Kinansela ng Montenegro Shipping Lines, Starlite Ferries Inc., at Starhorse Shipping Lines ang lahat ng kanilang nakatakdang biyahe papunta at palabas ng Romblon ngayong July 10 dahil sa inaasahang masamang lagay ng panahon dulot ng Habagat na pinalalakas ng Bagyong Inday.
Kabilang sa mga apektadong biyahe ang mga rutang Batangas–Tablas, Batangas–Romblon, Batangas–Sibuyan, at Lucena–Romblon, gayundin ang kanilang mga pabalik na biyahe.
Ayon sa mga shipping companies, ipinatupad ang kanselasyon bilang pag-iingat upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero, tripulante, at mga sasakyang pandagat sa gitna ng inaasahang malalakas na hangin at maalon na karagatan.
Nauna nang nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na makararanas ang karagatan ng Romblon ng maalon hanggang sa maalon na kondisyon, na may taas ng alon na maaaring umabot sa 3.0 metro, bunsod ng Habagat na pinalalakas ng Bagyong Inday.
Pinapayuhan ang mga pasaherong may nakatakdang biyahe na bantayan ang mga opisyal na anunsyo ng kani-kanilang shipping company para sa mga update hinggil sa muling pagbubukas ng biyahe, rebooking, at iba pang travel advisories.



































Discussion about this post