Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ng gobernador na ang pagdiriwang ay hindi lamang pagtatapos ng Ramadan kundi paalala na ang iba’t ibang komunidad, kabilang ang mga Muslim, ay may mahalagang papel sa paghubog ng isang mapayapa at maunlad na lipunan.
Ayon kay Fabic, ang pagkakaiba-iba ng pananampalataya at kultura ay hindi hadlang kundi nagiging daan upang higit na mapagtibay ang ugnayan ng mga mamamayan. Aniya, ang mga pagpapahalagang itinataguyod sa Eid’l Fitr tulad ng pagmamahal sa pamilya, paggalang sa kapwa, at malasakit sa komunidad ay nagsisilbing pundasyon ng pagkakaisa.
Dagdag pa niya, ang pagkilala sa ambag ng iba’t ibang sektor, kabilang ang komunidad ng Muslim, ay mahalaga upang mapanatili ang kapayapaan at patuloy na pag-unlad ng lalawigan.
Sa huli, hinimok ng gobernador ang lahat ng Romblomanon na isabuhay ang diwa ng pagkakaisa at pagtutulungan bilang susi sa pagbuo ng mas inklusibo at progresibong komunidad.


































