Naaresto ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at Bureau of Immigration ang isang British national na umano’y ilegal na nagtatrabaho at lumampas na sa pinahihintulutang pananatili sa Pilipinas.
Ayon sa ulat ng pulisya, hapon noong February 16 nang isagawa ang operasyon sa Sitio Cabalian, Barangay Agmanic, bayan ng Santa Fe, Romblon. Ang naaresto ay kinilalang si Andrew, 48 anyos, may asawa, at isang SCUBA instructor na dating naninirahan sa Hull, Yorkshire, England at kasalukuyang nakatira sa naturang lugar.
Isinagawa ang pag-aresto ng pinagsanib na operatiba ng CIDG-Romblon Provincial Field Unit, Bureau of Immigration Fugitive Search Unit, Romblon Police Intelligence Team, Romblon Criminal Investigation Team, at Santa Fe Municipal Police Station, alinsunod sa mission order na inilabas ng Bureau of Immigration noong Pebrero 10, 2026.
Batay sa impormasyon ng mga awtoridad, nagtatrabaho umano ang dayuhan bilang SCUBA instructor sa Pilipinas nang walang kaukulang working visa at lumampas na sa pinahihintulutang pananatili sa bansa.
Dinala ang suspek sa tanggapan ng CIDG-Romblon PFU sa Odiongan para sa dokumentasyon bago ito i-turn over sa kustodiya ng Bureau of Immigration kung saan sasailalim sa deportation proceedings.

































Discussion about this post